Duterte: "I would not want to degrade him but next time he should, mag-aral ka muna nang husto."



Nagkomento si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging puna ni Senator Manny Pacquiao tungkol sa kaniyang mga pahayag sa panghihimasok ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

"It's about foreign policy. I would not want to degrade him but next time he should, mag-aral ka muna nang husto," ang sabi ni Pangulong Duterte sa isang interview ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City.

"Apparently this guy has a very shallow knowledge," dagdag pa ni Duterte.

Nitong Mayo, pinuna ni Pacquiao ang paninindigan ni Duterte sa pagpasok ng China sa West Philippine Sea bilang "kulang."

"Sa akin nakukulangan ako doon sa kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, mage-eleksyon pa lang. Dapat ipagpatuloy n’ya ‘yun para magkaroon din ng respeto sa atin ang China,” sabi ni Pacquiao sa isang online interview sa mga reporters.

Ang tinutukoy ni Pacquaio ay ang ang pahayag ni Duterte noong 2016  na kung ang tribunal ay maging pabor sa Pilipinas at tumanggi ang China na igalang ang desisyon, personal siyang pupunta sa pinag-aagawang teritoryo sakay ng jetski at itayo ang watawat ng Pilipinas.

Makalipas ang ilang taon, sinabi ni Duterte na ito ay isang hyperbole lamang.

Sinabi ni Pacquiao na ang mga naunang pahayag ni Duterte ay nagpalakas ng kumpiyansa ng mga Pilipino at hinimok silang labanan kung ano ang atin.

“Sa akin lang ‘yung una niyang statement bago siya tumakbo magjetski siya, ipaglaban ang West Philippine Sea, magdadala ng bandila, nagbigay ng encouragement sa ating mga kababayan, lumakas ang loob natin. Ito ‘yung gusto ko tapos pagdating ng panahon dapat manindigan tayo kung ano ang sa atin,” sabi niya.

“'Yung ganung mga statement talagang kahit ako napi-feel ko ‘yung patriotism ko sa bansa natin, ito ‘yung bansa natin, ipaglaban natin. Nakakapagbigay ng boost sa ating sarili na ipaglaban natin ang bansa natin,” dagdag ng senador.

Gayunman, sinabi ni Pacquiao na hindi nangangahulugan na dapat pilitin si Duterte na sumakay ng jetski patungo sa pinag-aagawang lugar ngunit maglabas lamang ng mas malakas na statement.

“Hindi naman siguro tayo papayag na ang Presidente natin mag-jetski. Pero kung ang Presidente natin maglambot para na rin tayong mawalan ng lakas ng loob,” dagdag pa ng senador.


Source: Netizen Express

Post a Comment

0 Comments