Patikim" pa lang ang announcement ni Willie Revillame na special guest niya si John Lloyd Cruz sa 6-6 Shopee Super Mega Fiesta Special na mangyayari sa June 6, 2021 sa Smart Araneta Coliseum at may live broadcast sa GMA-7.
Dahil ito ang real deal—ang sitcom na pagsasamahan nila at mapapanood sa Kapuso Network.
Dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang umarte si Willie at naging mainstay ng isang sitcom, ang Richard Loves Lucy na tinampukan ng mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres at ipinalabas sa ABS-CBN mula November 22, 1998 hanggang March 25, 2001.
Bilang respeto sa home network ni John Lloyd, kinausap ni Willie si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak tungkol sa proyekto na gagawin nila sa GMA-7 ng nagbabalik-showbiz na aktor.
“Pinayagan na si John Lloyd ni Sir Carlo na magtrabaho sa production ko dahil magpa-partner kami sa isang project with the help of Miss Annette Gozon-Valdes.
“Kinausap ko si Sir Carlo para ipagpaalam si John Lloyd at napakabait niya. Pinayagan niya si John Lloyd sa pinaplano namin na sitcom, kasama si Andrea Torres.
“Nagpapasalamat din ako kina Ma’am Annette at Atty. Felipe Gozon dahil pumayag sila na mag-guest si John Lloyd sa Shopee event sa June 6,” ang mainit-init pa na kuwento ni Willie sa Cabinet Files tungkol sa exciting at interesting partnership nila ni John Lloyd.
Ang Wil Production ni Willie ang blocktimer producer ng Shopee event sa June 6 kaya siya ang personal na kumuha kay John Lloyd bilang special guest.
Malaki ang posibilidad na maging co-producer si John Lloyd ng sitcom na co-production venture ng GMA-7 at ng Wil Production ni Willie.
Tiyak na pag-uusapan ito, dahil kasama sa cast si Andrea, ang ex-girlfriend ni Derek Ramsay na fiancé ngayon ni Ellen Adarna, ang ina ng anak ni John Lloyd.
Si Andrea ang gaganap na love interest ni John Lloyd sa binabalak ni Willie na sitcom.
Hudyat din ang sitcom na ito ng pagbabalik ni Willie sa pag-arte na dalawampung taon niyang ipinahinga dahil itinuon niya ang kanyang atensyon sa television hosting, pati sa pagtulong sa ating mga mahihirap at nangangailangan na mga kababayan.
Source: Netizen Express
0 Comments